Sunday, June 30, 2013

Malikhaing Pagsulat - UPLB

b a n g u n g o t
1.      Higaan (Bed)
Maging mga bisig ko ma’y di ka magawang yakapin
Sa mga panahong ika’y alipin ng pag-iisa.
Maging mga paa ko ma’y mistulang walang buhay
Patuloy tayong magiging iisa.
Sapagkat sa pagsapit ng gabi aking mahal,
Ang pagniniig ay hindi kailanman masisilayan ng umaga.
Sapagkat sa ilalim ng buwan at mga bituin,
Hindi na siya ang iyong kapiling.
Walang salita, walang damdamin.
Walang dahilan, walang dapat na sabihin.
Ako ang saksi sa iyong bawat pagluha,
Ako ang iyong kasandal tuwing ika’y nakatulala.
Ako ang susi sa bawat hiwaga;
Hiwagang nanahan sa iyong di nagungusap na mukha.
Ako ang daigdig mo sa pagtakas ng huling silahis ng araw,
Ang daigdig mong kailanma’y hindi magugunaw.
Ako ang halimbawa ng salitang walang hanggan,
Sapagkat simula iyong pagkabata’y ako na ang iyong tahanan.
Panginoon ako ng panahon, panginoon ng iyong alaala.
Imbakan ako ng iyong kabataan, ipunan ng iyong kinabukasan.
Hindi mo masisilayan ang hindi mo naman nauunawan,
Sapagkat ako ay ikaw.
At ikaw ay ako.
2.      Unan (Pillow)
Ako ay isang kawatan
Na dumarating upang nakawin ang lahat.
Ang iyong mga pangamba, ang iyong mga
pagluha, ang iyong mga maling pag-asa.
Sa lambot ng aking katawan,
Mistula itong sumasayaw kasabay ng bawat
mong paggalaw.
Wala man akong mga kamay
Upang hawakan ang buo mong katawan;
Ako naman ay nakasisiguro,
Sa isipan mo ako ay tumitimo.
Ako ay isang kawatan.
Hindi ka hahayaang mahulog sa kawalan.
Ang samyo ng iyong buhok,
Ang kinis ng iyong mga pisngi,
Sa tuwing dumidilim
Sa aking mukha, ito ay unti-unting dumadampi.
Hindi mawari kung saan nagmumula,
Mali kong pagkahumaling sa pagsilip sa iyong alaala.
Hindi maunawaan kung bakit naghihintay,
Na ako ay tapunan ng panahon bago ang aking pagkamatay.
Lilipas ang araw at mawawala na ang liwanag.
Sa dilim lang kita mahahawakan,
Sa dilim lang kita mahahagkan.
Sa dilim ako ang iyong pag-ibig,
Sa dilim ako ay hawak mo sa iyong mga bisig.
3.      Kumot (Blanket)
Kulog.
Kidlat.
Ako ang langit at dilim ang aking hatid.
Ako ang madidilim na ulap na bumabalot sa iyong katauhan.
Ako ang gabi.
Sa liwanag ako ay iyong nililimot,
Sa liwanag ako ay tinatanggalan ng buhay.
Sa liwanag, hindi ako ang iyong minamahal.
Kaya kong balutin ka sinta, kaya kong hawakan ang iyong kabuuan.
Kahit sa akin ay hindi ka tapat,
Mayakap ka lang sa akin na ay sapat.
Kahit na hindi ako nag-iisa,
Kahit na sa gabi ay kapiling mo siya,
Patuloy kitang hahawakan, patuloy na iingatan.
Ito ang pangako ng isang panaginip,
Ito ang pangakong sa iyong kaluluwa ay sumasagip.



No comments:

Post a Comment