Monday, July 15, 2013

Malayo ang buwan sa aking puso



Apat na gabi nang pinagmamasdan ni Meg ang buwan, apat na gabi na siyang naghihintay sa isang text message na hindi naman darating. Apat, lima, anim, pito kahit sampung gabi, hindi ito darating. Dahil wala na si Jasper.  Dahil si Jasper ay hindi na siya mahal. 

“Kailan ka nagsimulang manlamig?” umiiyak nang tanong ni Meg.

“Hindi manlalamig ang kahit kalian ay hindi naman nag-init; hindi kita minahal, hindi dapat, hindi tama. Mahal ka ng best friend ko. Mahal ka ni JC” paliwanag ni Jasper

Alam ni Meg na doon na nagtatapos ang kung anuman ang namagitan sa kanila ni Jasper, pero mas malakas ang pagpintig ng kanyang nagdurugong puso at hindi na niya marinig ang iba pang sinabi ng kausap.
Oo, mahal siya ni JC ngunit hindi ito ang kanyang mahal. Alam niyang mas matimbang para kay Jasper ang pagkakaibigan nila ni JC, simula pa pagkabata sila na ang magkasama. Pero umasa siyang sapat na ang pag-ibig para limutin ng minamahal ang kahit anumang babalakid sa pag-asang silang dalawa parin ang nasa huli. Masyado siyang umasa. At ang pag-asang iyon ang unti-unting nagdala sa malamig na puso ni Meg sa kawalan.

Nilukob ng buwan ang lahat ng kaniyang pagmamahal. Sinubukan niyang hanapin si Jasper, sinubukan niyang magmakaawa, sinubukan niyang ipaliwanag na dapat magkasama silang harapin ang problema; nab aka maintindihan ni JC kapag dalawa silang nagpaliwanag dito.

Pero hindi. Malayo na si Jasper. Mas malayo pa sa buwan. Malayo na siya kanyang mga bisig. 

Gusto sanang magalit ni Meg; ngunit bakit? Nasaan ang karapatan niya? Hindi siya inibig kailanman ngunit inibig niya ang kanyang sarili. Hindi man sapat, hindi man tapat, inibig niya ang pusong sinaktan at niyurakan ng isang taong naging mundo niya sa loob ng tatlong taon. 

Kinuha ni Meg ang cellphone at tumayo mula sa hagdan.

“Hindi na kita kailangan. Kung hindi kita kalilimutan, maaaring hindi na tumibok ang puso ko. Gusto kitang sundan, gusto kita hagkan; ngunit paalam mahal sapagkat malayo ang buwan sa aking puso”.

No comments:

Post a Comment