Ang kahon ng
Mer-Nel’s sa malamig na HM bus
Isa
sa mga sakripisyong kailangan kong gawin bilang isang kolehiyala ay ang pag-aaral
sa isang malayong lugar mula sa aking probinsiya: ang UPLB.
Nang malaman ni Mama na dito ako
magaaral (sa isang lugar na halos wala namang pinagkaiba sa Isabela, mabundok,
hindi kasing init ng hanging Maynila, walang taxi, mura ang mga bilihin) ay
halos hindi niya magawang pakawalan ang kaniyang panganay sa mga kuko ng
panibagong probinsiya lalo pa at alam raw niya na hindi siya maaaring lumipad
kung sakaling ako ay magkasakit o kung sakaling gusto nila akong makita.
Si
Papa naman hindi umiimik ngunit nababasa ko ang nasa isip niya. Natatakot siya
na ang panganay niya, ang panganay na sana ay magaahon sa kanilang buhay, ay
magkamali, malulong sa masamang bisyo, mapasama sa maling barkada, mabuntis.
Hindi
ko sila masisi.
Ganitong
ganito rin ako nung sinabi ni Mama at ni Papa na pupunta raw sila sa Australia
o Canada para magtrabaho. Dumaan ang isa hanggang dalawang linggong hindi ako
kumikibo; hindi ko kayang makita silang lumayo. Ganitong ganito ako sa tuwing
aalis si Papa papunta sa CAVRAA o sa Palarong Pambansa sa Iloilo o sa Baguio o
kung saan man bilang isang basketball coach; ganitong ganito ako nung sinugod
si Mama sa ospital dahil manganganak na siya sa ikatlo kong kapatid at naiwan
kami sa pangangalaga ng pinsan kong noon ay nasa kolehiyo na at kaming
magkapatid ay anim at limang taong gulang pa lamang.
Tulad
ng biglaan naming pagalis ng bahay sa kalaliman ng gabi dahil sa isang malaking
itim na ahas na nakapulupot sa kahoy naming kisame ay may pangambang bakas sa
buong bahay nang sabihin kong magaaral ako sa UPLB.
Hindi ako kinikibo ng bunso kong
kapatid. Sino raw ang magmemake-up sa kaniya kapag may event siya sa school?
Sino raw ang gagawa ng mga slogan o essay nilang dalawa?
Mahigit
tatlong taon na at sariwa pa rin ang mga eksena bago ako umalis papuntang LB;
mga eksenang akala mo ay halaw sa madramang teleserye sa telebisyon. Ngayon,
punung puno ng mga pasalubong ang maliit kong itim na maleta, may rambutan,
lansones, mga damit, mga libro, at ang paborito nilang Mer-Nel’s.
Unang
beses sa loob ng tatlong taon na uuwi akong mag-iisa, unang beses sa loob ng
tatlong taon na sa wakas ramdam ko ang independence. Kung lalapatan ng teorya,
madali lang naman ang umuwi sa Isabela, sasakay ng dyip papuntang Olivarez,
tapos maghihintay ng bus (dati HM lang ang alam kong bumabyahe sa Cubao, may
DLTB at Greenstar pala).
Isang beses pa nga, nagagalit si
Papa habang naghihintay ng bus, ang tagal raw ng LTB o ng Greenland. Pagkarating
sa Cubao, lalakad ng kaunti papunta sa terminal ng Victory Liner o ng Florida.
Kapag punuan o peak season, tatawid o magtataxi papunta sa Dominion. Madali
lang, madali lang sana. Pero hindi kasing dali nang pagggawa ko ng desisyon
para lumayo sa aking pamilya.
May
teorya pero hindi ko nagawa sa loob ng tatlong taon. Ngayon lang at masayang
masaya akong uuwi mag-isa. Dala ang isang malaking backpack, maliit na itim na
maleta, at makapal na jacket, sumakay ako sa isag HM bus.
Punung-puno dahil pauwi ang halos lahat,
kinailangan kong maupo sa hagdang paakyat ng bus para hindi ako mahilo. Paalala
kasi ni Mama dapat uupo ako kasi kung hindi aatake yung vertigo ko.
Wala
man lang kahit sinong nagpaupo sa akin, kahit pa ang ganda ganda ng suot kong
lipstick nung araw na iyon. Ibang klase. Mabilis magpatakbo si manong drayber,
kailangang kumapit ng mahigpit kung ayaw mong tumilapon at sumubsob sa pintuan
ng bus.
Ganoon pa man, ang pinakamahalagang
bagay na inalala ko pa rin ay ang hawak kong kahon ng Mer-Nel’s; baka kasi
magulo yung sulat. Nakalagay kasi “Welcome home, Ate!”. Kahit ako lang ang
nagpalagay ‘nun, baka magulo sayang naman.
Mahaba
at maalog ang byahe patungong Kamias. Kahit pa medyo nanginginig ako dahil
hindi ako sigurado kung hihinto ang bus sa Jollibee Kamias at baka dumiretso na
ito sa terminal at hindi ako marunong tumawid ay pinilit ko pa ring matulog. Nakasandal
sa malamig na bakal na hawakan ng bus at may nakasaksak na earphones sa
magkabilang tenga, yakap yakap ko pa rin nang mahigpit ang kahon ng Mer-Nel’s.
“O Kamias, kamias, kamias o! Baba na!”, tawag ni
manong drayber.
Buti
na lang high-tec ang iPod 4G, may auto-off ng music kapag lumampas na sa alarm
time at narinig ko ang tawag ni manong. Jollibee, saktong sakto. Mabilis akong
naglakad, takot na baka may humablot ng dala kong bag at Mer-Nel’s.
Maasim talaga
ang Sampaloc, lalo na sa gabi
Pagkarating
sa Victory Liner Cubao, may malaking karatula sa tapat ng booking office, “All
trips are closed until tonight, 11:00PM”. Ibang klase nga naman kapag
swineswerte, ngayon na nga lang uuwi mag-isa, punuan pa.
‘Di bale, may Florida pa naman,
sabi ko sarili ko. Naglakad ako muli sa maalikabok at maalinsangang lansangan
ng siyudad, pagkarating ko sa terminal ng Florida, sobrang daming tao. Siksikan
ang mga matatandang amoy tabako, pati ang mga batang panay ang nguya ng Nova.
Nagtanong
ako sa babaeng nakaupo sa booking office kung anong oras ang bakante pa, kahit
yung via Cauayan lang. Mas madaling magpasundo kapag nasa Isabela na mismo,
sabi ko sa sarili ko.
Wala
na daw, ang next trip daw ay sa makalawa pa dahil peak season.
Lintek
na peak season ‘yan. Paano ako uuwi sa Isabela kung mag-commute nga papuntang
Cubao, hirap na hirap ako? Babalik na ba ako ng Los Baños? Papara ng taxi
pabalik sa terminal ng HM?
Mangiyak-ngiyak
kong tinawagan si Papa. Gagawa raw siya ng paraan. Makalipas ang ilang minuto,
tumawag ulit si Papa, ‘wag daw akong aalis sa kinaroroonan ko at susunduin ako
ng pinsan kong pulis at isasakay sa Sampaloc. Magagawan daw niya ng paraan ‘don
kasi teritoryo niya. Ako naman si “Opo, Pa. Dito lang ako”.
Matagal
bago dumating ang pinsan ko, naubos ko na yata ang isang litrong C2 na bebenta
sa terminal nang pumarada ang isang police car sa harap ng terminal. Hanep,
sasakay ako sa police car. Kriminal lang ang peg.
‘Pagkarating
sa Sampaloc, nagtext si Papa. Nagawan na daw niya ng paraan, nakausap na daw
yung dispatcher sa Dalin tapos isasakay na daw ako. Priority daw e. Ayos din
yung tatay ko, barkada ang mga dispatchers at konduktor ng bus.
Hinatid
lang ako sa terminal ng bus at umalis na rin ang pinsan ko. May ‘responde’ pa
daw sila sa may palengke (medyo hindi ako sigurado kung grammatically correct
‘yun pero ‘yun ang narinig kong sinabi niya).
Naghintay ako hanggang dumating ang alas seis
kong byahe. Kadalasan kapag alas seis ang byahe, dumarating ang bus tatlumpung
minuto bago ang oras ng pagalis pero magaalas singko y media na, wala pa rin
ang bus.
Madedelay
daw ng kaunti. Trapik daw sa SCTEX. Naiintindihan ko naman. Nakiusap lang naman
kami para makauwi ako eh. Alas siete na. Sige, naiintindihan ko pa rin kahit
nagsisimula nang uminit ang ulo ko at sumakit ang mga paa ko sa kakatayo.
Alas otso na, sige okay lang,
walang problema, matutulog na lang ako sa bus pagkasakay.
Alas
nuwebe na, may dumating na bus. Sa wakas.
“O yung mga alas singko diyan o, sakay na!”
Walang
hiya. Ibig bang sabihin nito alas dies pa ‘yung byahe ko? Sige, ok lang.
Nakakadalawang balut na akong may suka. Nang halos magka-leukaemia na ako sa
mga kagat ng lamok (dengue pala muna), nang halos matae na ako sa dami ng balut
na nakain ko, dumating din sa wakas ang bus.
Siksikan ang mga tao at nagsisigawan, kesyo
daw ganito, kesyo daw ganyan. Puro talak ang mga taong nasa likod ng pila. Nang
makita ako ng dispatcher, idinaan niya ako sa gitna ng kumpol-kumpol na mga tao
para makasakay sa may unahan. May nakasulat pang “reserved”.
Narinig
ko ang ilang matatandang nagrereklamo kung bakit daw ako may upuan nang sinabi
nila noong una pa lamang na bawal ang “reservations”. Hindi ko na pinansin, ang
mahalaga nakaupo na ako at makakauwi sa Isabela.
Ngunit biglang naghamon ng away ang
isang matangkad na lalaking makapal ang bigote, gusto raw makausap ang boss ng
bus dahil nagpapaupo ng magagadang babae bago ang mga nakapila.
Sa
loob loob ko ay nagpasalamat ako sa pagtawag sa aking maganda pero narindi rin
ako sa kakaputak niya kaya nagsalita na rin ako.
“General ang lolo ko”
Iyon
lamang at tumahimik ang mama. Hindi na ako nagsalita pa at hinintay na lang
mapuno ang bus. Nang paalis na ito, tinawagan ko na sina Mama at Papa at
sinabing nakasakay na rin ako at darating ako kinaumagahan kung walang trapik
sa daan ng bandang alas dies ng umaga. ‘Yun lamang at ako ay natulog na.
Ang matabang
hotdog ng CCQ
Nakatigil
ang bus nang magising ako. Dumungaw ako sa noon ay malamig at natatakpan na ng
hamog na bintana. Medyo maliwanag na sa labas. Napabalikwas ako, hindi ko
akalaing ganoon na katagal ang tulog ko. Agad-agad kong kinapa ang cellphone sa
aking bulsa, “14 messages, three new tweets”. Puro nanay at tatay ko lang pala,
tinatanong kung nasaan na ako.
Malamang
hindi nanaman nakatulog si Papa kakahintay sa akin. Malamag rin ay hindi iyon
uminom noong nakaraang gabi para siguradong masusundo niya ako kinaumagahan.
Malamang ay malinis na ang kwarto ko at bagong palit na ang kobre-kama at mga
punda ng unan kahit pa pipilitin lang din nila akong matulog sa tabi nila.
Nakaramdam
ako ng gutom at bumaba sa bus. Karga karga pa rin ang mabigat kong backpack na
may lamang laptop, saglit kong tinitigan ang umuusok pang hilera ng lugaw, mami
at pancit. Sa gilid ay may nagtitinda pa ng tupid. Ahh! Nasa Region II na
talaga ako.
Mayamaya’y
nabaling ang paningin ko sa isang babaeng nagiihaw ng hotdog. Malaki at mataba
ang mga hotdog na iniihaw ni ate. Nang tinanong ko kung anong brand ng hotdog
ang mga yun, sumagot siya ng “tender juse”. Imposibleng tender juicy ang mga
iyon. Ang tataba at ang lalaki.
Bumili
ako ng isa at inakyat sa bus. Pagkaraan ng ilang minuto ay umalis na muli ang
bus. Inililis ko ang kurtina sa bintana at pinanood ang bulubundukin ng Nueva
Vizcaya habang kinakain ang hotdog ko.
Pumihit
ang drayber at muntik akong napasubsob sa upuan sa harap ko. Sumisigaw siya ng
Cordon. Napakunot ang noo ko dahil parang ang bilis ng byahe. Cordon ang unang bayan
ng Isabela. Nasa Cordon na kaagad kami at hindi pa nauubos ang hotdog ni ate. Mula
Vizcaya hanggang Isabela, parang komersiyal lang.
Nasimot
ko na ang hotdog at bumalik nanaman ako sa pagtulog. Kulang-kulang dalawang
oras pa bago ako makarating sa babaan.
Kinakalabit ako nang kung sino.
Pagkamulat ko ay ang drayber pala. Cauayan na daw at pinapababa na ako ng Papa
ko. Bigla akong bumalikwas at sinuot ang backpack, dali-daling tumakbo pababa
ng bus nang maalala ang Mer-Nel’s na nasa itaas ng upuan ko. Tumakbong pabalik
at agad ring bumaba.
Nakita ko ang puting Crosswind na
nakaparada sa tapat ng canteen ng terminal at ang mga magulang kong kumakaway
sa akin, sabay isang mahabang langhap sa hangin ng Isabela.
No comments:
Post a Comment