Sunday, December 15, 2013

PAK-SO (PASKO)

Apat na taon na.

Bilangin mo.

Oo, apat. Apat na taon nang paulit-ulit na binubuo at dahan-dahan nanamang paghihiwalayin ang Christmas Tree. Apat na taon na rin na nasa malayo lang ako; tahimik na hinihiling na ako naman ang buuin mo. Apat na taon na rin kasi akong ganito, pira-piraso, walang pakinabang, walang nagmamahal.

Tapos, heto ka at sasabihin sa aking huling pasko ko na sa UPLB. Oo, huling Pasko na. Sana metaphoric nalang 'yun. Sana dahil huling Pasko ko na, huling taon na rin na mamahalin kita. 

Nakikita mo 'yung mga pusong nakasabit sa puno? Gawa lang 'yun sa plastic, o kaya sa styrofoam. Masisira 'yan, mababasag at kapag nangyari 'yun, mahihirap ka nang buuin. E kung ako na lang? Wala kang obligasyon sa puso ko.  At 'yung bituin sa itaas? Hindi mo kailangang umakyat para kunin 'yun para sa akin. Ako ang aabot para sa ating dalawa. Kailangan mo lang kumapit kahit mahirap, kahit nakakalula, kahit mabigat na.

Pangako, habang nakakapit ka, hinding hindi tayo bibitaw.

Naisip ko na ang lahat ng gagawin natin araw-araw. Araw-araw sa tuwing papatak ng alas seis, hahawakan mo ang kamay ko at pupunta tayo sa Christmas Tree. Kukunan mo ako ng litrato, kukunan kita tapos tayong dalawa. Araw-araw; bilangin natin para sa loob ng isang taon, kunwari araw-araw tayong magkasama. Para kunwari, ngayon, sa unang pagkakaton, araw-araw akong masaya.

Sandali na lang naman. Aalis na rin ako. Sandali ka nalang magpapanggap, sandali ka nalang magtitiis. 

Sige na,

Ngayon lang.

No comments:

Post a Comment