Photocopy lang ang pag-ibig
Nasa RMS ako para magpaphotocopy sa Kuyang mistulang palong ng manok ang buhok.
“ENG 101” sabi ko.
“Ako rin”, sabi ng isang tinig na pamilyar sa akin.
Nilingon kita, lumingon ka rin. Nagngitian tayo. Hindi alam kung maguumpisa ba ng isang konbersasyon pero alam ko akmang magsasalita ka na.
Matagal ang paghihintay, masakit. Lalo pa sa isang mainit na diskusyon natin kanina sa klase. Ayaw mong sumangayon sa ideya ko ng pag-ibig, ayaw mong sumang-ayon na ang pag-ibig ay hindi sakim. Sabi mo, “Kailangan mong angkinin ang taong iniibig mo, kung hindi kalianma’y di siya magiging iyo. ”
Natahimik ako. Ayokong sumang-ayon dahil ang pag-ibig ko para sayo ay hindi sakim, hindi kailangang matawag kitang akin, hindi kailangang mahalin mo ako pabalik, kailangan lang kitang mahalin. Alam mong alam ko na hindi natin maaaring angkinin ang isa’t isa. Ngunit sa kabila noon, nililito mo parin ako sa mga ginagawa at sinasabi mo.
“Ano pang handouts ang kukunin mo?”, basag mo sa mistulang isang daangtaong katahimikang bumbalot sa ating dalawa sa harap ng RMS.
“ENG 101 lang”, sagot ko.
Gusto ko ang ENG 101, natututo akong umibig, natututo akong lalo pang mahalin ka. Sabi doon, “Ang isang tao ay maaari lamang maging ang nagmamahal o ang minamahal”. Sigurado ako kung sino ako doon. Sayo ako hindi sigurado.
Kung ano man ang meron sa atin, hindi ito matatawag na relasyon, pag-ibig ito. Walang komplikasyon, walang commitment. Meron akong iba, katulad mo naman ang gusto mo. Kailanman, hindi tayo magtatagpo.
“Ito na”, sabi ng Kuyang nasa RMS.
Sabay nating inabot ang handouts, nagtagpo ang ating mga daliri. Tumigil ang pag-ikot ng mundo ko. Hinawakan mo ang kamay ko o aksidenteng nahawakan. Ano man dun ang totoo, nagtagpo ang ating mga palad na sa hinagap man di ko inakalang mangyayari. Inibig kita bago ko pa malaman na hindi ako ang iniibig mo. Sumugal ako isa ideyang posibleng maibalik mo ang lahat ng binibigay ko ngunit lumipas ang panahon at nawalan ako ng konsepto ng relasyon.
“Bakit ganun? Laging unrequited pag umiibig ako? Sa teacher ko, sa VetMed, sayo.”, sabi ko sarili ko.
Tumango ka lang. Sa akin? Sa iniisip ko? Bigyan mo ko ng mga salita. Kailangan ko ng mga salita. Kailangan kong maniwalang hindi pa tapos ang kwento natin.
“Sige pasok na ako”, sabi mo.
Bago pa ako makasagot, tumawid ka at sumakay ng jeep pakaliwa sa tapat ng KWNE. Doon ka nawala sa akin. Doon ako tumigil umibig.
No comments:
Post a Comment