Sunday, May 19, 2013

FLASH.FICTION.


                Gusto ko, ako ang huling iinom sa huling baso ng wine. Gusto ko, ako ang tumapos. Dahil sa bawat inuman, sa bawat basong pinagsasaluhan natin, ako lang ang nahihirapan.

Gabi na, masyadong malakas ang ulan, tumakbo ka palabas ng IC’s hinahabol siya, sumunod ako. Sumunod ako hindi para pigilan ka, sumunod ako para makita kung gaano ka kalayo sa akin, kung gaano kaimposibleng magkaroon ng tayo.

Sabi mo, susundan mo siya hanggang sa apartment niya sa Forestry. Sige, sumunod ka. Habulin mo ang isang taong hindi ikaw ang gusto, habulin mo ang isang taong hindi magtitiyagang hintayin ka. Gawin  mo ang ginagawa ko sayo.

Ang tagal maubos ng iniinom ko, hindi ko sigurado kung masyadong malaki ang baso o inuunti-unti ko lang talaga. Unti-unting dumadampi sa aking lalamunan ang init na dulot nito, unti-unting pinapaalala ang mahapding katotohanang wala naman talagang “tayo”.

Hindi naman kasi dapat sineseryoso kapag laro lang. Pero bakit kahit alam kong naglalaro lang tayo, pilit kong binibigyan ng kahulugan ang lahat ng kilos mo? Ultimo pagtawa mo sa mga biro kong dinig na dinig naman ng lahat, ultimo pagtango mo sa akin tuwing magkakasalubong tayo sa CEM o sa Hum na ako naman talaga ang unang namamansin.

 Ang sakit mong mahalin. Mas masakit pa sa epekto sa akin ng labis na kalasingan kinaumagahan.

Abot tanaw parin kita. Asa tapat ka ng Star, sinusubukang kausapin siya. Sinusubukang ipaliwanag na laro lang ang lahat, na wala lang talaga. Nasa tapat naman ako ng Boston, sa gitna ng ulan tatlo lang tayong nasa kalsada. Ang lahat lunod na lunod sa pagpaparty sa IC’s, ang iba nag-aaral sa Boston. Pero tayong tatlo, pilit pinaninindigan ang sitwasyon, pilit pinaglalaban ang hindi na natin malaman kung pagmamahal o katangahan.

Hiningi mo ang baso, makikiinom ka lang ng konti sabi mo. Paano ko tatapusin kung paulit-ulit mo akong binibigyan ng maling pag-asa? Paano ko tatapusin kung nakikita kong hindi ka naman sasaya sa kanya? Paano ko tatapusin kung alam kong kahit ako lang ang nasasaktan handa akong lunukin ang pride ko na halos kasing daming beses kong kayang lunukin ang lahat ng shot ng tequila na hindi mo kayang inumin? Paano ko tatapusin kung handa akong sundan ka sa apartment niya mapayungan ka lang kapag gusto mo nang bumalik sa IC’s, kapag gusto mo nang bumalik sa akin?

Masyado kang malayo. Ni sa hinagap hindi kita kayang abutin. Pero mahal kita, mahal na mahal at handa akong sarilinin ang pagmamahal na ‘yon hanggang sa panaginip, hanggang sa alaala. Doon alam ko akin ka, doon ako ang hahabulin mo sa gitna ng ulan, doon hindi mauubos ang alak para hindi rin matapos ang anumang meron tayo, doon siya ang masasaktan, doon hindi tayo naglalaro. 

No comments:

Post a Comment