Thursday, May 23, 2013

Sumuka. Lumimot. Umibig.


Sampung minuto na mula noong magsimulang tumawag ang isang pamilyar na numero. Hindi mo lang sinasagot. Hindi mo sinasagot kasi natatakot ka; natatakot ka na baka hindi mo kayang panindigan yung mga sinabi mo noon; natatakot ka na baka kapag narinig mo siya, magsinungaling ka nanaman ng paulit-ulit sa sarili mo na hindi ka nasasaktan.

Hanggang kalian mo siya paghihintayin?At ikaw naman, hanggang kailan ka maghihintay na malimutan mo ang sakit na minsang dinulot ng labis na pagmamahal?

Hindi naman masamang masaktan; hindi masamang hayaang maghilom ang sugat. Ang masama lang ay yung hindi mo makita ang isang bagay na inaalay na nga ang sarili para sayo. Hindi moa lam kung paano ka magmamahal ulit. Hindi mo alam kasi nga takot kang subukan.

Huwag mo naman sanang paghintayin ang isang taong mahal ka habambuhay. Hindi mo siyang paasahin habang ikaw, iniisip mo pa kung ano talagang gusto mo. Ang puso marunong mapagod, marunong mapuno, marunong magsabi kung kelan tama na, kung kelan hindi na kaya.

Sabi mo noon, hindi ka muna magdedesisyon kasi nga naguguluhan ka pa; kasi nga nandiyan lang naman siya, minamahal ka. Pero ngayon ko lang naiisip at nakikita kung gaano kasakim ang magmahal sa ideyang may nagmamahal sayo; mayroon man o walang pag-asa. Hindi mo kailangang ibalik, hindi mo kailangang panindigan, kailangan mo lang maging totoo. Kailangan mo lang hayaan siyang maghilom mag-isa, yung wala ka, yung wala ang pag-asang maaaring maging kayo.

Alam ko nauumay ka na sa paulit-ulit kong pangangaral tungkol sa pag-ibig. Ganoon talaga kapag labis, kapag walang control, nakakasuka. Masuka ka, isuka mo lahat ng pag-ibig mo para sa iba, linisin mo ang sarili mong puso para maging handa kang umibig muli.

Sumuka. Lumimot. Umibig.

No comments:

Post a Comment